Sunog sa isang condo building, hinihinalang gawa ng mga tinutugis na magnanakaw
Nauwi sa sunog ang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang hinihinalang magnanakaw na nagtago umano sa isang bakanteng unit ng isang condominium building sa Parañaque, City.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nabulabog ng magkakasunod na putok ng baril ang mga residente ng Kassel Residences sa Brgy. Moonwalk, Paranaque nitong Lunes ng gabi.
Ang dahilan ng mga putok ng baril, ang pakikipagbarilan umano sa mga guwardiya ng dalawang hinihinalang magnanakaw na nagtago sa unit 403 ng condominium.
Nasugatan sa palitan ng putok ang isang guwardya.
Kaagad namang dumating ang rumespondeng mga pulis at pinaligiran ang lugar para makorner ang dalawang suspek.
Ang ilang residente, umalis muna ng gusali para hindi maipit sa kaguluhan.
Pero pagkaraan ng may anim na oras, biglang nagkasunog sa unit 403.
Nang mapatay ang apoy, sinuyod muli ng mga awtoridad ang lugar pero hindi nila nakita ang hinahanap na dalawang suspek.
Hinala ng pulisya, posibleng sinadya ng mga suspek ang panununog para mawala sa kanila ang atensyon ng mga awtoridad at makatakas.
Hindi bababa sa tatlong residente ang isinugod sa ospital matapos ma-suffocate bunsod ng usok na nilikha ng sunog. Isa sa kanila ang nasawi na kinilalang si Rolinaina Aclon, na sinasabing mayroong asthma.
Iniimbestigahan naman kung nagkaroon ng kapabayaan ang mga pulis na nagsagawa ng operasyon sa condo building dahil sa alegasyon na naghagis ng tear gas ang mga operatiba kahit may sibilyan pa sa loob.
Kasabay nito, napuna rin ng ilang unit owner ang kawalan ng safety features sa gusali kaya nahirapan silang makalabas nang oras ng kaguluhan.
Kabilang sa inireklamo nila ang kawalan umano emergency lights sa hallway kaya naging sobrang dilim sa kanilang paglikas.-- FRJ, GMA News