Mga bata, nabiktima ng 'budol-budol' modus para makunan ng gadgets
Paalala sa mga magulang, gabayan at turuan ang mga anak laban sa mga taong nakikilala nila sa lansangan para hindi sila mabiktima ng "budol-budol." Sa Pasig, dalawang bata ang natangayan ng gadgets nang dahil sa isa ring bata na kanilang nakilala sa labas ng bahay.
Ayon sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nagawang makunan ng "tablet" at "smartphone" ang mga biktimang itinago sa pangalang "Carlo" (grade 6 pupil) at "Nicko" (grade 5) nang lapitan sila ng isa ring menor de edad at alukin sila ng bagong gadgets.
Kuwento ng mga biktima, inalok daw sila ng suspek ng bagong iPhone at PSP kapalit ng luma nilang gadgets. Mahigpit daw na ibinilin ng suspek na sikreto lang ang kanilang pag-uusap.
Dahil sa alok, umuwi ang dalawang biktima at kinuha ang kanilang smartphone at gadget at ibinigay sa suspek.
Nakunan pa sa CCTV ang tatlo habang naglalakad na parang mga batang magkakalaro lang.
Nang makuha ang mga gamit, nag-aya raw ang suspek na sumama ang dalawa sa kanilang bahay para kunin ang kapalit na bagong gadgets.
Pero bago makarating sa boundary ng Pasig at Makati gumawa na ng paraan ang suspek upang makatakas dala ang mga gamit ng biktima.
Nasorpresa naman si Rosalinda Orobia ng Social Welfare Office, sa nangyaring modus na gumagamit ng bata ang mga nasa likod ng "budol-budol" para makapambiktima rin ng mga bata.
"Talaga hong malaki sorpresa 'yan. Biruin niyo budol budol against minors. Itong mga bata na ito kung walang nag-utos, walang adult na nasa likod nito, hindi sila makakaisip nito," ayon sa opisyal.
Inihayag din sa ulat na may natatanggap na raw reklamo ang ilan pang barangay sa Pasig tungkol sa mga kahalintulad na "modus"na paiimbestigahan ng Pasig police. -- FRJ, GMA News