ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Taxi driver' na umano'y carnapper, rapist at holdaper, nadakip na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadakip na ang lalaking nagpapanggap umanong taxi driver at sinasabing nanghalay at naghoholdap sa kaniyang mga pasahero.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV’s Balitanghali nitong Biyernes, sinabing positibong kinilala ng mga saksi ang nadakip na suspek na si Nitro Izon, na unang pinangalanan bilang Ricky Ramos.

Sa mga kasong ibinibintang kay Izon, kabilang dito ang umano'y pagpatay kay Teng Santaromana Gamboa, na natagpuan ang bangkay noong Pebrero sa Makati na may tama ng bala ng baril sa ulo.

Huling nakitang buhay si Gamboa nang umalis ito sa kaniyang pinapasukan at sumakay ng taxi.

READ: Biyuda ng namayapang si Papadom na si Teng, pinaslang sa Makati City

Sinasabing modus ni Izon na mang-agaw ng taxi na kaniyang ipapasada para makakuha ng pasahero na kaniyang hoholdapin at gagahasain.

Nitong Huwebes, nadakip ng mga awtoridad si Izon sa San Miguel, Bulacan sa bisa ng warrant of arrest sa kasong robbery holdup na kinakaharap sa Makati at Maynila.

Ayon sa ulat, natukoy si Izon sa pamamagitan ng case management analysis system ng Philippine National Police, at sa ginawang pagsusuri sa mga insidente ng krimen.

Napag-alaman din na ang pangalang Ricky Ramos na ginagamit ni Izon ay pangalan umano ng tiyuhin nito. Gumagamit din umano ito ng alyas Zengki Izon.

Lumitaw umano sa imbestigasyon ng pulisya na nanlaban si Gamboa kaya ito pinatay.

Mariin namang itinanggi ni Izon ang mga paratang laban sa kaniya.

Patuloy pa umano ang imbestigasyon ng pulisya tungkol kay Izon. -- FRJ, GMA News