ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis na namamahala sa anti-drug ops, patay sa ambush


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay sa pananambang ang hepe umano ng intelligence unit ng Lumban, Laguna police na namamahala umano sa kampanya laban sa iligal na droga at krimen sa kaniyang nasasakupan.

Sa ulat ni Emil Sumangil ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si P03 Dustin Gomez, 40-anyos, hepe ng "intelligence unit" ng Lumban, Laguna police.

Dakong 9:00 p.m. nitong Huwebes nang pagbabaril umano si Gomez ng mga salarin sa barangay San Isidro sa bayan ng Pagsanjan sa Laguna.

Nakasakay si Gomez sa isang motorsiklo kasama ang live in partner at apat na taong gulang na anak nang barilin sila ng mga salarin na nakasakay din sa motorsiklo.

Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima at binawian ng buhay bago pa man makarating sa ospital.

Ligtas na panganib ang kaniyang mag-ina.

Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa mga naging operasyon ni Gomez kontra sa iligal na droga ang motibo sa krimen.

Ayon kay P/Sr. Insp. Vicente Jarque, hepe ng Pagsanjan police, si Gomez ang namamahala umano sa mga operasyon laban sa iligal na droga at sa mga kriminal.

Sa follow-up operation, tatlo ang nadakip ng mga awtoridad kabilang ang umano'y "hitman" na si Moises Begabaldo, alyas Anghit.

Ayon sa awtoridad, isa sa mga nadakip ay nasangkot sa kaso ng iligal na droga.

Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang laban sa kanila. -- FRJ, GMA News

Tags: ambush, crime