AiAi Delas Alas at Arnell Ignacio, maghaharap sa 'Lip Sync Battle Philippines'
Ang mga batikang komedyante na sina AiAi Delas Alas at Arnell Ignacio ang maghaharap sa “Lip Sync Battle Philippines” sa darating na Sabado.
Gaya ng mga manonood, sabik din sina AiAi at Arnell sa kanilang magiging patalbugan sa performance at pagsabay sa mapipili nilang mga awitin.
Mensahe ni Arnell sa Comedy Concert Queen, “Alam mo, matagal na tayong magkaibigan. Kaya alam mong 'yung mga ganito, sineseryoso ko talaga. Pati mukha ko, pinabago ko para lang maging kamukha ko 'yung gagayahin ko. Ganoong kalalim ang bakbakang ito.”
Tulad naman ng lahat ng kaniyang pagbida sa telebisyon at pelikula, itotodo raw ni AiAi ang kaniyang performance sa “Lip Sync Battle Philippines.”
“Excited, medyo kabado, pero siyempre, tuwing nagpe-perform ako, talagang kina-career ko,” anang actress-performer.
-- FRJ, GMA News