ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga kaanak ng nasawing OFW sa Israel, nagulat nang maling bangkay ang ipinadala sa kanila sa Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadagdagan ang pighati ng mga kaanak ng nasawing overseas Filipino worker (OFW) sa Israel nang maling bangkay ang naipadala sa Pilipinas ng punenaryang nag-asikaso sa mga labi nito.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nasawi sa Tel Aviv, Israel ang OFW na si Fernando Peralta noong Mayo dahil sa sakit sa puso.

Nitong Linggo, June 5, sinundo ng kaniyang mga kaanak mula sa Porac, Pampanga  ang mga labi ni Peralta sa Ninoy Aquino International Airport at kaagad nila itong iniuwi para maiburol.

Pero laking gulat nila nang buksan nila ang kabaong dahil hindi ang katawan ni  Peralta ang kanilang nakita kung hindi ibang tao na pinaniniwalaang Chinese.

Ayon kay Jun Peralta, kapatid ng nasawing OFW, may nunal sa noo at pustiso ang ngipin ng kaniyang kapatid.  Samantalang ang bangkay na ipinadala sa kanila, bukod sa walang nunal ay permanente rin ang ngipin.

Sinabi naman ni Asec. Charles Jose, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, ang punerarya sa Tel Aviv na nag-ayos sa mga labi ni Peralta ang nagkamali.

Aniya, maling dokumento ang nailagay sa ataul ng bangkay kaya ibang katawan ang naipadala sa Pilipinas.

Gayunpaman, inaasikaso na raw ang pagpapauwi sa tamang bangkay ni Peralta.

Pag-aaralan naman ang pananagutan ng punerarya pero sa ngayon ay prayoridad nila na maiuwi muna ang mga labi ng OFW. -- FRJ, GMA News