ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Jake Vargas as Jeyrick ‘Carrot Man’ Sigmaton in ‘Magpakailanman’


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Itatampok sa “Magpakailanman” ang buhay ni Jeyrick Sigmaton, o mas kilala bilang “Carrot Man,” ang binata mula sa Mountain Province na nakilala ng buong Pilipinas matapos kumalat sa social media ang kaniyang nakabibighaning larawan. 
 
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa “24 Oras” nitong Lunes, ibabahagi mismo ni Jeyrick ang kuwento ng kaniyang buhay—mula pagkabata kasama ang kaniyang pamilya sa Mountain Province, hanggang sa mabago ang kaniyang buhay dahil sa isang viral post.
 
“Marami po, kahit po saan ako pumunta, sa mall, kahit saan pong lugar, marami pong nakakakilala sa akin, tapos maraming nagpapa-picture,” kuwento ng binata.
 
Gayunpaman, siniguro ni “Carrot Man” na hindi siya magpapaapekto sa kasikatang tinatamasa niya.
 
Matapos ang sunod-sunod na interviews, TV guestings, at pictorials sa Maynila, balik agad ang binata sa kaniyang dating trabaho sa probinsya.
 
Bukod sa pagtulong sa pamilya, nagsisipag rin si Jeyrick upang mapag-aral niya ang kaniyang mga kapatid.
 
Aniya, “Nag-aalala po ako sa kanilang kinabukasan kung walang tutulong sa kanila. Kapag gumanda na 'yung buhay ng mga kapatid ko, saka na lang po ako magpapatulong sa kanila.”
 
 
Ang Kapuso actor na si Jake Vargas ang magbibigay-buhay sa kuwento ni Jeyrick sa telebisyon.
 
Kabilang si Jake sa mga aktor na sinasabing mayroong pagkakahawig sa social media sensation na si “Carrot Man.”
 
Tampok sa kuwento ng binata ang kuwento ng pag-asa—mula sa simpleng buhay ng pag-aani at pagbubuhat ng mga gulay, paglalaba, at pagtulong sa pamilya sa probinsiya, hanggang sa pagbuhos ng mga biyayang dulot ng isang viral post. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News