ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki, pitong oras na-trap sa elevator nang nasusunog na gusali


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasagip ng mga bumbero ang isang lalaki na pitong oras na-trap sa elevator ng nasusunog na gusali sa Pasig City nitong Sabado.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing nilamon ng apoy ang ika-anim na palapag ng isang gusali sa J. Cruz St. sa barangay Ugong Pasig city na nagsimula bago maghatinggabi.

Dahil bodega ng isang garments factory ang nasusunog na bahagi ng gusali, hindi naging madali ang pagpatay sa sunog dahil maraming bagay ang madaling magliyab.

Umabot ng ika-limang alarma ang sunog at umaga na nang makontrol ang apoy.

Habang inaapula ang apoy, binobomba rin ng tubig ng mga bumbero ang paligid ng elevator ng gusali kung saan nakulong ng pitong oras ang empleyado na si Jovil Ong.

Ayon kay Ong, napilitan siyang mag-elevator dahil sarado na ang pinto sa hagdan na una nilang ginamit.

Labis ang pasasalamat niya sa mga bumbero na nagligtas sa kaniya.

Bukod kay Ong, may isa pa siyang kasamahan na nauna nang nailigtas.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng apoy at halaga ng pinsala nito. -- FRJ, GMA News

Tags: fireincident