Duterte, balak kausapin ang China
Binabalak ni Pangulong Rodrigo Duterte na kausapin ang China matapos paburan ng international tribunal ang reklamo ng Pilipinas laban sa Beijing hinggil isyu sa pinagtatalunang mga bahagi ng South China Sea.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno nitong Huwebes: “Ang sabi niya (Duterte), we will start the bilateral talks and now we’re starting from a better position."
Kabilang si Diokno sa mga miyembro ng Gabitnete na nakipagpulong kay Duterte noong gabi ng Martes, isang oras matapos ipinagbigay-alam ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang pasya nito pabor sa Pilipinas.
Sa hatol ng korte na nakabase sa The Hague, The Netherlands, sinabing hindi maaaring maging batayan ng China ang gawa-gawa nitong "nine-dash line" upang igiit ang labis-labis nitong pag-ankin sa halos buong South China Sea.

Napapaloob sa SCS ang ilang bahagi ng karagatang itinuturing ng Manila na West Philippine Sea, na batay sa UN Convention on the Law of the Sea, bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Hindi kinilala ng China ang PCA bilang third-party sa isyu ng SCS, kung saan hindi lamang ang Tsina at Pilipinas kundi pati ang Malaysia, Brunei, Vietnam at Taiwan ay may isinusulong na "claims."
Tinutulan ng China noong 2013 ang pagsampa ng Manila ng reklamo sa PCA at iginiit nitong pag-usapan na lamang ng dalawang bansa ang gusot sa pamamagitan ng "bilateral talks."
Kahit panalo ang Pilipinas sa kaso, iginiit ng administrasyong Duterte na dapat maging mahinon ang pamahalaan sa kanyang mga hakbang at dapat umano'y hindi ipagyayabang ang pagkapanalo nito sa asunto laban sa China.
Matatandaang iginiit ng administrasyong Benigno Aquino III ang arbitration case at itinuring na pag-aaksaya ng pahahon ang bilateral talks.
Noong nakaraang Mayo, sinabi ni Chinese Ambassador Zhao Jianhu na nais ng China ng magkaroon ng bilateral discussions tungkol sa isyu ng SCS sa susunod na Pangulo ng Pilipinas. —LBG, GMA News