Mga anak nina John Estrada, Melanie Marquez at Tweetie De Leon, astig sa modeling
Gumagawa na rin ng kani-kanilang pangalan sa larangan ng modeling ang ilang anak ng mga model-celebrity na sina John Estrada, Melanie Marquez at Tweetie De Leon.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing like father like daughter si Kaila na isa sa mga anak ni John Estrada sa aktres na si Janice de Belen.
Si John na nakilala bilang isa sa mga top model-actor ng kaniyang henerasyon, tila naipamana ang galing sa modeling kay Kaila, na isa nang ambassadress model ng isang sikat na youth apparell.
Sa kanyang fierce look, very natural si Kaila sa kanyang poses.
Samantala, isa sa mga Supermodel of the World runner-up at nagwagi ring Miss International noong 1979 si Melanie Marquez.
Ang kanyang modelesque physique and attitude, namana rin ng kanyang anak na si Michelle Dee.
Gumagawa na ng pangalan sa modeling world si Michelle na suki ngayon sa mga magazine.
Sa editorial o kahit chill look, picture perfect si Michelle.
Hindi naman papahuli ang budding print and ramp model na si Sabina Gonzalez pagdating sa pagrampa at pag-pose.
Si Sabina ay anak ng model at dating TV host-actress na si Tweetie de Leon.
Sa photoshoot na magkasama ang mag-ina, kitang-kita ang kanilang pagkakahawig.
Sa tamang attitude and discipline, hindi malayong mararating din nina Kaila, Michelle at Sabina ang malayong narating ng kani-kanilang magulang. -- FRJ, GMA News