Lalaking nagpaluto lang ng barbecue sa tindahan, patay sa pamamaril
Patay sa isang tama ng bala ng baril sa batok ang isang lalaki na nagpaluto lang ng barbecue sa Cebu City. Ang suspek, napatay naman ng mga pulis sa isinagawang follow-up operation.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing dakong 2:00 am nang magpaluto ang biktimang si Kim Branzuela sa barangay San Roque nang lapitan ito ni Geruncio Morales at binaril sa likuran.
Napag-alaman na taga-Zamboanga del Sur si Branzuela at nasa Cebu lang daw para mag-asikaso ng mga papeles niya bilang seaman.
Sa follow-up operation ng pulisya, natunton ang kinaroroonan ni Morales pero nasawi siya matapos umanong manlaban sa mga awtoridad.
Lumalabas sa imbestigasyon na isang kaso ng mistaken identity ang nangyari kay Branzuela dahil napagkamalan daw ito ng suspek na kaniyang kaaway.
Nakuha sa suspek ang baril na hinihinalang ginamit sa pamamaril sa biktima.
Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima at ng suspek, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News