ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
KABILANG ANG ILANG BABAE

Higit 30 katao, huli sa anti-drug ops sa Quezon City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sabay-sabay na sinugod ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District ang apat na magkakahiwalay na lugar sa Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip sa mahigit 30 katao, na kinabibilangan ng ilang babae.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kabilang sa sinalakay ng mga operatiba ang Veterans Village sa Barangay Pasong Tamo, na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo sa apat na target.

Ilan sa mga nahuli, todo-tanggi na nagtutulak sila ng droga.

Pero lingid sa kaalaman nila, nakunan sila ng video sa surveillance operation bago ang isinagawang raid.

Hindi rin napigilan ng opisyal ng PDEA na pagalitan ang isang ginang na may hawak pang bata na panay din ang tanggi na may droga sa kanilang lugar.

Pero natahimik ang babae at humingi ng paumanhin nang malaman na mayroon surveillance video na nagpapatunay ng transaksyon ng iligal na droga sa kanilang lugar.

Kasama sa mga nadakip ang ilang babae at isang mag-ama na umaming gumagamit ng iligal na droga.

Idinahilan ng ama na naengganyo lang siyang gumamit ng droga dahil sa kaniyang anak.

Ilan umano sa mga nadakip sa naturang operasyon ay mga dati nang sumuko sa ilalim ng Oplan-Tokhang pero patuloy sa paggamit o pagtutulak ng bawal na gamot.

Nakakuha ang mga operatiba sa isinagawang operasyon ng mga drug paraphernalia at mga pekete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga sa merkado ng aabot sa P1 milyon. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs