ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Duterte, ayaw makipagpulong kay UN Secretary General Ban Ki-moon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipagpulong kay United Nations Secretary General Ban Ki-Moon sa Laos, pahayag noong Huwebes, kapwa ng UN at ng pamahalaan ng Pilipinas.

Matatandaang binatikos ng UN ang "war on drugs" ni Duterte sa gitna ng patuloy na paglobo ng bilang ng mga pagpatay ng mga umano'y drug suspects.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nag-alok si UN chief Ban ng isang meeting kay Duterte sa Laos, kung saan idadaos ang Association of Southeast Asian Nations leaders meeting sa susunod na lingggo.

Pero, ayon sa tanggapan ni Pangulong Duterte, hindi na kakayaning itugma ang iskedyul ng dalawang lider para sa meeting.

"A meeting was requested but we could not agree on a time," pahayag ng tagapagsalita ni Ban na si Stephane Dujarric, ayon sa ulat ng Reuters.

Hinimok ng dalawang UN human rights experts noong nakaraang linggo ang pamahalaang Duterte na ihinto na ang umano'y serye ng "extra-judicial executions and killings" mula ng maupo bilang Pangulo si Duterte noong ika-30 noong nakaraang Hunyo.

Samantala, kinumpirma naman ni Presidential spokesman Ernesto Abella na hindi makikipagpulong si Duterte kay Ban. Ngunit wala itong sinabi kung ang pagpuna ng UN sa war on drugs ang dahilan sa pagtanggi ng Pangulo.

"PRRD [President Rodrigo Roa Duterte] has his own reasons for not meeting up with some leaders," pahayag ni Abella.

"This is no reason to speculate about the Philippines' relationship with the community of nations," dagdag niya.

Sa ulat ng Reuters, sinabi umano ng isa pang opisyal ng UN, na ayaw magpapakilala, na: It was "basically unheard of" for a leader to be too busy to meet the secretary general.

"Drug policy and human rights would have been top of the UN's list at the meeting," dagdag ng UN official.

Dahil sa mga puna ng UN hinggil sa serye ng mga pagpatay sa drug suspects, binatikos ni Duterte ang UN sa isang pulong-balitaan noong  Aug. 21, at nagpasaring na baka kakalas ang Pilipinas sa UN at hihimukin niya ang China at mga bansa ng Africa na magtatag ng isang aniya'y "alternative global organization."

Ngunit tila kinontra ni Philippine Foreign Affairs chief Perfecto Yasay ang sinabi ni Duterte.

Ayon kay Yasay, mananatiling "committed" sa UN ang Pilipinas at hindi ito kakalas sa grupo, kahit na may mga umano'y  "numerous frustrations" ng bansa sa UN. — LBG, GMA News