ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Loyalista ni Erap walang planong katulad ng Edsa 3


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malabong maulit ang madugong “Edsa 3" people power revolt kung saan nilusob ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Joseph Estrada ang Malacanang. Ayon kay Ronald Lumbao, pinuno ng People's Movement Against Poverty (PMAP), walang plano ang kanilang grupo na magsagawa ng riot o destabilisasyon o katulad na insidente ng EDSA 3 revolt kapag ibinaba na ang hatol ng Sandiganbayan kay Estrada. "Naniniwala kami na maglalabas ng hatol ang Sandiganbayan batay sa merito ng kaso," ani Lumbao sa panayam ng dzEC radio nitong Martes. Ang PMAP ang nanguna sa paglusob sa Malacañang noong Mayo 1, 2001, halos isang linggo matapos silang mag-rally sa EDSA upang iprotesta ang pagdakip kay Estrada kaugnay sa kinakaharap nitong plunder case. Ilang demonstrador ang namatay at marami ang nasugatan sa nasabing insidente. Sumali ang PMAP sa party-list election nitong nagdaang May elections ngunit hindi pinalad na makakuha ng sapat na boto para maupo sa Kongreso. Kasabay nito, kinastigo ni Lumbao sina Major Gen. Benjamin Dolorfino at Justice Secretary Raul Gonzalez sa pagkakalat ng mga senaryo ng kaguluhan na posible umanong maganap kapag naging guilty ang hatol kay Estrada. Wala rin umanong katotohanan ang pahayag ni Gonzales na nangangalap ng suporta sa mga sundalo ang kaalyado ni Estrada para magsagawa ng destabilisasyon. "Kung ang ating mga awtoridad ay nagdesisyon na sa isang bagay na hindi pa naman nangyayari, sa tingin namin ay hindi yan makakabuti sa ating demokrasya," aniya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV