16-anyos na babae, ginahasa at pinatay umano ng 15-anyos na manliligaw
Ginahasa at pinatay sa saksak sa loob ng bahay ang 16-anyos na babae sa General Tinio, Nueva Ecija. Ang itinuturong nasa likod ng karumal-dumal na krimen, ang 15-anyos na manliligaw umano ng biktima.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabi umano ng pulisya na nakipag-inuman muna ang suspek bago gawin ang krimen.
Batay umano sa pahayag ng kapitbahay ng biktima, may narinig silang ingay sa bahay at nakita ang binatilyong suspek na nakahubad at nagmamadaling umalis.
Naiwan pa umano ng suspek ang underwear nito at ang isang patalim na pinaniniwalaang ginamit sa pagsaksak sa biktima.
Naaresto na ang suspek na nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nahaharap ang binatilyo sa reklamong rape with homicide. -- FRJ, GMA News