Dating sikat na hineteng naaksidente, kikilalanin sa 'Wish Ko Lang'

Isang sikat na hinete si Leonardo Trinidad 'Boy' Cuadra, Jr. Ang ama niya ay dati ring nangangarera ng kabayo pero aminado siya na mas magaling si Boy sa kanya.
Sa kanya ring trabaho, nabigyan niya ng masaganang buhay ang kanyang pamilya. Kaya para kay Boy, kuntento na siya sa estado niya, mahusay siya sa napiling karera at napapasaya pa niya ang mga mahal sa buhay.
Pero sa isang iglap, mababago ang lahat. Sa isang karera, magaganap ang isang aksidente. Mababangga ang sinasakyan niyang kabayo sa ibang kabayo ng katunggali niya. Nahulog si Boy at sa kanyang pagbagsak, ulo ang unang tumama.
Matindi ang pinsala nito sa kanya, dahil kinailangang tanggalin ang bahagi ng bungo niya. At ngayon pati pananalita niya ay utal na rin.
Nakaligtas man sa kamatayan si Boy, kapalit naman nito ang malaking pagbabago sa buhay niya at ng kanyang pamilya.
Tunghayan ang pagganap nina RJ Padilla at Lovely Rivero para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.