Lalaki sa Caloocan, pinasok sa bahay at binaril ng mga armadong salaring nakamotorsiklo
Nagkatensyon sa barangay 125 sa Caloocan City nitong Huwebes ng madaling araw nang dumating ang pitong armadong lalaki na nakasakay sa apat na motorsiklo at pinasok ang bahay ng isang lalaking gumagamit umano ng droga at kanilang pinatay.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, ipinakita ang CCTV footage na nakunan ang pagdating ng mga salarin dakong 1:20 am.
Naka-jacket na may hood at nakamaskara ang mga salarin at tumigil sa harap ng dalawang bahay at na kanilang sumilip.
Habang pumapasok sa bahay ang ilan sa mga salarin, nagsilbing lookout naman ang iba at itinataboy umano ang mga taong tumitingin sa kanila.
Tumagal ng 10 minuto ang mga salarin sa lugar at umalis matapos na mapatay ang pinaniniwalaang target.
Hiniling ng pamilya ng biktima na huwag nang banggitin ang pangalan ng napatay na lalaki.
Ayon naman sa isang tanod, kilalang gumagamit noong ng droga ang biktima at dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.
Samantala, isa pang lalaki ang binaril din at pinatay ng nakatakas na mga salarin na nakamotorsiklo sa barangay 69 sa Caloocan.
Kinilala ang biktima na si Kiermile Ledesma, 24-anyos, na binaril at iniwang duguan sa kalsada ng mga salarin.
Dati rin daw gumagamit ng iligal na droga ang biktima pero tumigil na ilang buwan na ang nakararaan.
Noong nakaraang Agosto, mga armadong lalaki na nakamotorsiklo rin ang nakunan sa CCTV na bumaril sa isang tricycle driver sa kanto ng 10th Avenue sa Caloocan.
Apat na suspek na nakamotorsiklo naman ang nahagip sa CCTV na bumaril at pumatay sa isang barangay chairman sa Barangay 118, Caloocan City noong Setyempre. -- FRJ, GMA News