Gabby Concepcion on ‘Ika-6 Na Utos’ role: ‘Ako talaga ang may hugot dito’
Kabilang ang batikang aktor na si Gabby Concepcion sa mga bida ng upcoming Kapuso Afternoon Prime series na "Ika-Anim Na Utos," kasama ang mga aktres na sina Sunshine Dizon at Ryza Cenon.
Bibigyang-buhay niya sa teleserye si Rome, isang piloto na matutukso at maloloko ang kaniyang asawa.
Aniya, maliban sa ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon siya ng programa sa Afternoon Prime, nagpapasalamat rin siya sa pagkakataong makapagbahagi ng kuwentong makabuluhan.
"At this point in my career, gusto ko naman na bawat teleseryeng gagawin ko ay may message at puwedeng may maibahaging aral sa viewers," pahayag ni Gabby sa isang press conference nitong Martes.
Dagdag pa niya, "I feel na mayroon akong responsibilidad sa audience. So, sa bawat papanoorin nilang mga teleseryeng gagawin ko, sana mayroon akong message na iiwan sa kanila at makatulong sana ang experience ko sa kanilang sariling buhay."
Malapit na #ika6nautos Dec. 5. After Eat Bulaga. Monday to friday. #pilot
A photo posted by Gabby Concepcion (@concepciongabby) on
Nauna nang nasabi ng kaniyang co-star na si Sunshine Dizon na malapit sa kaniyang karanasan sa tunay na buhay ang kuwento ng "Ika-6 Na Utos."
Matatandaang naging usap-usapan ngayong taon ang paghihiwalay ni Sunshine at ng kaniyang asawang si Timothy Tan dahil kay Clarisma Sison, na nauwi pa sa paghahain ng concubinage complaint at paglabag sa violence against women and children's act ni Sunshine laban kay Timothy.
Biro ni Gabby, siya raw ang tunay na may hugot sa teleseryeng pagbibidahan.
"Ako 'yung may hugot dito. Sa totoo lang, frustrated pilot ako. Sabi ko, 'Ay, ang ganda ng role ko. Talagang tanyag. Mapapakita ko sa mga piloto 'yung character ko, and they will be proud of me.' Sabay... ganoon nga," paliwanag niya.
Dagdag na biro pa niya, "Wala pa akong nae-experience sa buong buhay ko na ganito, kaya nahihirapan ako. Nanghihingi pa ako ng advice sa mga kasamahan ko, 'Paano ba ito, bro?'"
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ilang beses na ring ikinasal ang aktor—una kay Sharon Cuneta noong 1984, pangalawa kay Jenny Syquia noong 1993, at pangatlo kay Genevieve Gonzales noong 2004.
Kahit na tila hindi magugustuhan ng mga manonood ang kaniyang karakter sa teleserye, iginiit ni Gabby na kagigiliwan at kapupulutan rin ng aral ng mga manonood ang kuwento ni Rome.
Aniya, "I've never been a pilot and I've always wanted to. Maganda ang storya. Ngayon lang ako gumanap ng ganito. Hindi ko akalain na puwedeng mangyari ang problema up in the air, at bumabagsak rin dito sa lupa."
"Sa totoong buhay, hindi naman natin gustong mangyari 'yun. Makikita mo 'yung role ni Rome, umiiwas talaga. Kahit saan may temptation, nasa atin na 'yun kung paano iiwasan," dagdag pa ng aktor.
The director and cast of GMA Network's newest Afternoon Prime series, Ika-6 Na Utos. #Ika6NaUtos
A photo posted by Kapuso PR Girl (@kapusoprgirl) on
Maliban kay Sunshine, Gabby, at Ryza, bibida rin sa pinakabagong handog ng GMA Afternoon Prime sina Mike Tan, Marco Alcaraz, Rich Asuncion, Daria Ramirez, Carmen Soriano, Mel Martinez, at Arianne Bautista.
Mapapanood na ang “Ika-6 Na Utos” araw-araw sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng “Eat Bulaga! — BM, GMA News