Diokno, ipinagtanggol si Duterte kung 'di maibigay ang ipinangakong SSS pension hike
Ipinagtanggol ni Budget Secretary Benjamin Diokno nitong Martes si Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi maibigay ang pension hike sa Social Security System (SSS) na ipinangako nito noong panahon ng kampanya.
"Iba ‘yung candidate Duterte sa President Duterte," paliwanag ni Diokno sa mga mamamahayag nang hingan ng reaksyon tungkol sa ipinangako ng pangulo noong panahon ng kampanya na aaprubahan nito ang P2,000 dagdag sa pensyon ng SSS na naunang ibinasura nang pinalitan niyang si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Diokno, wala umanong kaibahan si Duterte ibang politiko, gaya ng bago ring halal na United States President-elect na si Donald Trump, pagdating sa mga ipinapangako sa panahon ng halalan.
"When you see that all over, even worldwide iba ‘yung Candidate Trump versus President Trump ‘no. May naipapangako ka na, pagka' natingnan mo ‘yung datos hindi pala pwede. So ‘yon, yung doon ako nanggagaling ‘no," patuloy ng kalihim.
Bilang isa sa mga economic manager ng administrasyong Duterte, tutol si Diokno sa P2,000 pension hike. Nanawagan din siya sa SSS Board of Trustees at sa Kongreso na huwag ipasa sa pangulo ang responsibilidad sa pag-apruba o pagbasura sa mungkahi.
"Ngayon, but I’m just making a recommendation na historically hindi talaga ginagawa ‘yon. We don’t burden the taxpayers to support a private fund okay and then," paliwanag ni Diokno.
"I mean I’m just doing my job ‘no. Kung mag-decide siya na otherwise, I have done my job ‘di ba?," dagdag ng kalihim.
Sa nakaraang administrasyongAquino, ibinasura nito ang SSS pension increase na inaprubahan ng Kongreso dahil sa pangamba na mas malaking problema ang kakaharapin ng ahensiya at mga miyembro sa hinaharap.
"May chance ngayon, pwede ako magpapogi pero tama ba 'yon (na) dalhin ko ang sambayanan sa ikakapahamak nila?," paliwanag ni Aquino sa ulat noong Enero 2016. (Basahin: PNoy, nanindigan sa ginawang pag-veto sa SSS pension hike bill.) -- FRJ, GMA News