Sunshine Dizon, iniurong na ang reklamo laban sa kaniyang mister
Iniurong na ng Kapuso actress at 'Ika-6 Na Utos' star na si Sunshine Dizon ang reklamong isinampa niya laban sa estranged husband na si Timothy Tan.
Ang pag-urong ng demanda ay nakapaloob sa letter of desistance na isinumite ng aktres sa Quezon City Prosecutor's Office nitong Huwebes.
Ang reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o anti violence against women and their children at concubinage ay inihain ni Sunshine laban kay Timothy dahil sa pagtataksil umano nito.
Ginawa raw ito ng aktres para maprotektahan ang relasyon ng kaniyang mga anak sa kanilang ama.
Bagaman iniurong niya ang reklamo laban sa asawa, nais umano ni Sunshine na mapawalang-bisa na ang kanilang kasal.
Emosyunal na inihayag ng aktres na hindi niya maibibigay ang kagustuhan ng kanilang mga anak na mabuo muli ang kanilang pamilya.
“Masakit 'yon sa akin bilang ina na hindi ko na kayang ibalik yung dati at buuin yung pamilya namin. Ang pinaka-puwede ko lang mabigay ay yung gawan ko ng paraan na hindi masira yung relasyon ng mga anak ko sa tatay nila," pahayag niya sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes. -- FRJ, GMA News