Alok na film projects kay Paolo Ballesteros, dumami dahil sa tagumpay ng 'Die Beautiful'
Matapos ang matagumpay niyang pelikula na "Die Beautiful," sinabi ng "Eat Bulaga" dabarkds na si Paolo Ballesteros na dumami ang alok sa kaniyang proyekto para gumawa ng pelikula.
Pero sa kabila nito, sinabi sa ulat ni Bernie Franco sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Biyernes, na magiging prayoridad pa rin umano ni Paolo ang kinabibilangang noontime show sa GMA-7 na "Eat Bulaga."
Batay umano sa naging panayam kay Paolo sa CNN Philippines, inihayag ng aktor na marami siyang nais gawin. Kabilang umano ang musical dahil nais niyang kumanta.
“Ang dami ko pang gustong ibigay, so I hope magkaroon pa ng ibang projects for that," aniya.
“But siyempre, ang priority ko is 'Eat Bulaga,'" dagdag ni Paolo sabay sabi na may mga movie projects din na naka-lineup.
Bukod sa kaniyang husay sa panggagaya ng mga hitsura ng mga local at international celebrity sa pamamagitan ng makeup transformation, tumatak din si Paolo bilang "Lola Tidora" at kontrabidang si "Doña Ariana Miley" sa kalyeserye ng "Eat Bulaga."
Sa naturang kalyserye, hindi lang husay sa hosting ang nakita kay Paolo, kung hindi maging ang galing niya sa pag-arte at pagiging isang performer.
Naselyuhan ang husay ni Paolo sa pag-arte nang manalo siyang Best Actor sa 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF) at maging sa Tokyo Film Fest noong nakaraang taon para sa pagganap niya bilang transgender na si Trisha sa "Die Beautiful." -- FRJ, GMA News