Lalaki, napatay ng mga pulis sa araw ng kaniyang kaarawan
Patay sa mga tama ng bala sa katawan ang isang 33-anyos na lalaki sa Quezon City makaraang manlaban umano ito at mabaril ng mga pulis habang nagdiriwang ng kaniyang kaarawan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, kinilala ang napaslang na lalaki na si Joffrey Lucero, na ayon sa pulisya ay miyembro umano ng "Bonnet Gang."
Batay sa imbestigasyon, rumesponde ang ilang operatiba batay sa isang tawag sa emergency 911 tungkol sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa barangay Old Balara sa Quezon City dakong 10:00 p.m. nitong Biyernes.
Pero pagdating umano sa lugar ng mga tauhan ng QCPD-Station 6, nanlaban umano si Lucero na dahilan para siya paputukan ng mga pulis.
Nadala pa sa ospital si Lucero pero binawian din ng buhay dahil sa pitong tama ng bala sa katawan.
Ayon sa pulisya, miyembro ng "Bonnet Gang" si Lucero at sangkot din daw sa ilang insidente ng pagpatay sa Metro Manila.
Iginiit naman ng mga kaanak ni Lucero na wala itong baril kaya hindi ito nanlaban. Wala rin daw itong "record" at hindi rin sangkot sa droga.
Ayon sa isang saksi, bigla na lang silang binulabog ng mga pulis sa kanilang inuman at saka pinagbabaril si Lucero.
Iniimbestigahan na ng QCPD ang insidente pero pero tumanggi silang magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News