ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
HINDI PURO GLAMOROSO

Hirap ng buhay-artista, makikita sa 'My Love From The Star,' ayon kay Jennylyn Mercado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil naging bahagi ng kaniyang paghahanda sa inaabangang seryeng "My Love From The Star" ang magsanay bilang modelo, nakita ng Kapuso actress na si Jennylyn Mercado na hindi madali ang ginagawa ng mga nasa nasabing propesyon.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, inihayag ni Jennylyn ang ilang mahahalagang detalye tungkol sa pangungunahan niyang Pinoy remake ng hit Korean series.

Ayon kay Jennylyn, kahit romantic comedy ang tema ng palabas, ito na raw ang pinakamahirap na TV series na kaniyang ginawa.

"Para sa akin, this is the most challenging soap ever. Hindi dahil rom-com siya madali siyang gawin," saad ng aktres na gaganap sa karakter na si Steffi Cheon.

Patuloy niya, halos lahat ng kasama niya sa serye ay first time niyang makatrabaho tulad nina Christian Bautista, Gabby Eigenmann, Jackie Rice, Migo Adecer, Renz Fernandez at iba pa.

Mas naging close na rin daw sila ng kaniyang leading man at wala na rin ang ilangan nila ng bagong Kapuso star si Gil Cuerva.

Bukod dito, talagang pinaghandaan daw ni Jennylyn karakter niyang si Steffi gaya ng pananamit nito at ang mga kabaliwan.

Kasama sa naging paghahanda niya ang pagsailalim sa training ng beauty queen maker na si Jonas Gaffud, na siya ring humawak kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.

"Yung tinuro sa akin pang-model, pang-fashion show, [pang]beauty queen. Ang hirap pa lang maging model. Biglang, wow! Sabi ko hindi pala basta-basta yung ginagawa nila," saad ng aktres.

Dahil artista ang role ni Jennylyn sa serye, makikita raw ng mga manonood ang totoong buhay ng mga celebrity sa likod ng camera.

"Akala nila glamorous yung buhay. Kailangan glamorous ka, kailangan beautiful ka, hindi nagagalit, maganda lang palagi, mabait lang palagi," aniya.

"So dito makikita mo 'yung totoong nangyayari sa buhay ng artista. Kaya pala ganito sila, grabe pala 'yung pagod nila, hindi sila kumakain ganun. So maiintindihan nila," dagdag niya. -- FRJ, GMA News