Alden, nagpasalamat sa mga tumatangkilik sa 'Destined To Be Yours;' may concert sa Mayo
Bukod sa gabi-gabing pagpapasaya at pagpapakilig sa "Destined To Be Yours," at matapos ang successful shows sa abroad, nakatakda ring magdaos ng concert sa darating na Mayo ang Pambansang Bae na si Alden Richards.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing pasasalamat ang tanging naiisip ni Alden sa tuwing matatanong ito tungkol sa first primetime series nila ni Maine Mendoza na "Destined To Be Yours."
Dalawang linggo pa lang na umeere ang kilig serye pero labis na ang suporta ng fans at viewers.
Ayon kay Alden, dapat abangan ang maraming twist sa istorya nina Benjie at Sinag, na niya at ni Maine.
"Parang nahuhulog na si Benjie kay Sinag sa mga panahong ito. Marami pang dapat abangan, abangan niyo po kung ano pang mga twist ang mangyayari," anang aktor.
Dahil sa mainit na suportang natatanggap ng programa, sulit daw ang hirap at sakripisyo na kanilang ginagawa sa pagpapaganda sa serye at pagdayo malalayong location.
Ayon pa kay Alden, unti-unti na raw nasasanay si Maine sa paggawa ng serye at malaking bagay daw na palagay sila sa isa't isa.
"Si Maine naman nasasanay na siya kasi nag-e-enjoy kami sa set. From artista to director to utility staffs, sobrang gaang ng trabaho namin sa araw-araw. Sana nga ang taping na lang from Mondays to Sundays para magkakasama kami palagi," ani Alden.
Bukod sa pag-arte, patok din ang pagkanta ng Pambansang Bae. Katunayan, certified hit ang dalawa niyang recording album.
Nitong nakaraang Enero, dinagsa ang show nila sa California kasama ang iba pang Kapuso stars.
At sa darating na Mayo, may pinaghahandaang si Alden na handog niya sa mga tagahanga. Ito ay ang concert na pinamagatang "Upsurge," na hatid ng GMA Records at GMA Network.
Ang official hashtag para sa concert ay #aldenupsurge.
"This coming May 27 po magkakaroon po ako ng show, concert po sa Kia Theatre," ayon kay Alden na to follow ang iba pang detalye pero sigurado na ang date at ang venue. -- FRJ, GMA News