ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 sugatan, isa menor de edad, sa pamamaril sa Parañaque city


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawa ang sugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Parañaque City, Biyernes ng gabi.

Ayon sa ulat ng GMA News nitong Sabado ng umaga, sugatan sa pamamaril isang menor de edad nang pagbabarilin ito pasado alas dyes Biyernes ng gabi sa Barangay Baclaran.

Ayon sa mga nakasaksi, tatlong beses umanong binaril ang biktima ng lalaking angkas ng motorsiklo.

Nakatakbo ang bata sa loob ng isang bakery at nakaakyat sa 2nd Floor ng gusali.

Tinangka pang habulin ng suspek na tumakas din matapos makaakyat ang biktima.

Hindi namukhaan ng isang saksi ang mga suspek dahil naka-helmet, sumbrero at face mask ang mga ito.

Naisugod sa Philippine General Hospital ang biktima na ngayon ay nagpapagaling doon. 

Samantala, Sugatan din ang isang pedicab driver nang pagbabarilin ito sa may Aguarra St. sa  Barangay Baclaran kagabi rin.

Ayon sa mga nakasaksi, nakahiga na raw ang pedicab driver sa tapat ng saradong tindahan ng sapatos nang lapitan ito ng angkas ng isang motorsiklo saka pinagbabaril ng apat na beses.

Agad naman umanong tumakas ang mga suspek. Ayon sa saksi, nakasuot ng helmet, face mask at naka-jacket ang mga salarin.

Agad na naitakbo San Juan de Dios Hospital ang biktima, na hindi pa matukoy ang pangalan. —LBG, GMA News