ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
MAY IBA PA RAW BIKTIMA

Dalagita, dinukot at ginahasa umano ng mga naka-bonnet sa Mexico, Pampanga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang insidente umano ng pagdukot at panggagahasa na kagagawan ng mga salarin na naka-bonnet ang naitala sa Mexico, Pampanga. Isang suspek na ang nadakip na lumilitaw na menor de edad.

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing bakas pa ang trauma sa 14-anyos na biktima nang magsumbong sa tanggapan ng Child Abuse Prevention and Intervention Network sa Mexico, Pampanga.

Kasama ang kaniyang ina, ikinuwento ng biktima na tatlong beses umano siyang dinukot ng limang lalaking nakasuot ng bonnet na nagsimula noong Oktubre 2015 at ang pinakahuli ay noong Nobyembre 2016.

Dinukot umano siya at sapilitang isinakay sa isang sasakyan ng mga salarin nang palabas na siya ng eskwelahan.

Dinala umano ang biktima sa isang talahiban at doon hinalay ng mga salarin sa katanghaliang tapat.

Nakita raw niya ang mukha ng isa sa mga salarin nang matanggal ang suot nitong bonnet.

Natagalan umano siya na dumulog sa pulisya dahil sa takot.

Sa resulta ng medico legal report sa biktima, positibong na may nangyari sa dalagita, na tumigil na sa pag-aaral.

Ayon sa ulat, bukod sa dalagita ay may isa pang 15-anyos na biktima ang naglahad ng kaparehong kuwento sa social workers.

Sa kaparehong lugar din daw dinala ang biktima at pinagsamantalahan noong Enero at Pebrero 2017 ng mga lalaking nakasuot ng bonnet.

May isa pa umanong biktima na 35-anyos na naitala noong Pebrero 2017.

Nitong Marso, isang batang lalaki na siyam na taong gulang umano tinangka ring dukutin pero nakatakbo at nakatakas.

Hindi pa masabi ng pulisya kung iisang grupo lang ang may kagagawan ng krimen.

Ayon kay P/Supt. Wilfredo Paulo, Police chief ng Mexico Pampanga, isang menor de edad na suspek ang kanilang inaresto at dinala sa social welfare office.

"Mayroon po tayong suspect na na-identify iyon nga ang problema natin minor. Pangalawa, nag-decline siya na magsalita, hindi po natin pwedeng pilitin," anang opisyal.

Sumasailalim na sa counseling ang mga biktimang dumulog sa social welfare office at pag-iibayuhin naman daw ng bawat barangay ang kanilang seguridad. -- FRJ, GMA News