Ending ng 'Tsuperhero,' dapat umanong subaybayan sa Linggo
Sa nalalapit na pagtatapos ng weekly comedy-fantasy-action program na "Tsuperhero," hindi raw maiwasan ng bida nito na si Derrick Monasterio na malungkot.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakasuot ng barong si Derrick sa last taping day ng programa dahil kukunan ang eksenang ikakasal siya.
"Nakaganito po ako ngayon kasi ikakasal na kami. Abangan n'yo 'yon, yung kasalang magaganap. May mangyayari, may twist," ayon sa binata.
Malungkot umano si Derrick sa pagtatapos ng programa sa darating na linggo ng gabi dahil sobrang napamahal na raw sa kanya ang show at ang mga kasama niya rito.
Pero sa kabila ng lungkot, excited naman daw si Derrick sa pagsisimula niya ng primetime series na "Mulawin Vs Ravena" kung saan gumaganap siya sa importanteng papel ni Almiro, ang anak nina Aguiluz at Alwina.
"Excited na po talaga ako para ma-experience naman 'yung different character na, ibang-iba po kasi 'yung concept ng show," aniya.
Nasasabik na rin daw si Derrick na makatrabaho ang malalaking bituin na tulad nina Dennis Trillo, Lovi Poe at Carla Abellana.
"Excited din akong maka-work sila kasi sobrang dami na po nilang experience sa showbiz. May matututunan po ako sa kanila," dagdag niya. -- FRJ, GMA News