Sunshine Dizon at Ryza Cenon, makikisaya sa 'Tonight with Arnold Clavio'

Trending at talaga namang pinaguusapan ang bawat eksena ng top rating GMA afternoon drama series na "Ika-Anim na Utos." At ngayong Miyerkules, makakasama ni Igan Arnold Clavio ang mga bida sa kinagigiliwang programang ito na sina Ms. Sunshine Dizon at Ryza Cenon!
Ano kaya sa masasabi nina Sunshine at Ryza tungkol sa pamamayagpag ng kanilang show? At ano kaya ang magiging reaksyon nila sa mga komento ng fans na ipapabasa ni Igan sa kanila!
At dahil may temang pangangaliwa ang Ika-Anim na Utos, susubukin ng TWAC ang talas nilang dalawa sa pagtukoy ng mga senyales ng pangangaliwa. Para sa kanila, "may something" nga kaya kapag madalas nagpapalit ng passcode sa cellphone si mister? O "praning" lang si misis kung iniisip nitong may chicks na ang kanilang asawa porke madalas makipagkita sa barkada?
Kikilalanin din ang personal na buhay nina Sunshine at Ryza sa pamamagitan ng masayang Trivia Game. Sino kaya sa kanila ang takot sa mikrobyo at germs? Sino naman ang may malaking takot sa ahas? At sino sa kanila ang kaya magpinta habang naglalaro ng archery? Malalaman niyo rin kung sino sa kanila ang mas malakas manampal, mas masipag magkabisa ng linya at mas madalas chumika sa mga staff at fans na dumarayo sa kanilang taping.
Sumalang din ang dalawang aktres sa segment na Insta-Truth kung saan ibabahagi nila ang mga kwento sa likod ng kanilang posts sa social media. Hindi rin pinalagpas ni Igan na makasama ang dalawa sa TWACtingan! Ano kayang eksena ang ia-arte nilang tatlo? Abangan!
Tiyak trending at viral na naman ang kwentuhan ngayong Miyerkules ng Gabi sa TWAC! I-follow ang twac sa twitter: @twacofficial at gamitin ang hashtag na #IANUonTWAC. At para malaman ang mga pangyayari behind the scenes, i-like ang aming facebook: www.facebook.com/tonightwitharnoldclavio