Umano'y kabit at kapatid ng original wife, 'nagsabong' sa labas ng barangay hall
Mistulang salpukan nina Emma at Georgia, na mga karakter sa Kapuso series na "Ika-6 Na Utos," ang naging eksena sa labas ng barangay hall sa Maynila. Iyon nga lang, ang nakasabunutan ng umano'y babaeng kabit, ang kapatid ng original wife.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang engkwentro ng dalawang babae sa labas ng isang barangay hall sa Divisoria, Maynila nitong Huwebes.
Sa CCTV camera, makikita ang isang babae na nakatayo sa labas ng barangay hall, na biglang sinunggaban at sinabunutan ang dumating ang isa pang babae.
Ang babaeng nanabunot ay kapatid ng babaeng inagawan umano ng mister ng pangalawang babae.
Ngunit bago mangyari ang salpukan, nauna na palang nagpang-abot ang umano'y kulasisi ni mister at ang original wife nito noong Miyerkules ng gabi.
"Tumawag pa yung kabit sa asawa ng babae na nandito yung asawa mo. Ang ginawa ng asawa, pumunta sa second floor. Pagtawag niya sa babae, ang nagbukas ng pinto yung lalaki, eh 'di naaktuhan niya [misis]," kuwento ng barangay official na si Albert Rocacorva.
Ayon pa sa kaniya, mas naagrabyado sa salpukan at nagtamo ng sugat ang original wife dahil ito ang hinawakan umano ng lalaki.
Para mapagkasundo ang magkabilang panig, nagdesisyon ang barangay na pagharapin ang dalawa nitong Huwebes, na nauwi naman sa engkwentro ng umano'y kabit at kapatid ni misis.
Kaagad na inawat ng mga taga-barangay ang dalawa at dinala sa presinto para doon na ayusin ang problema.
Payo ni Rocacorva sa mga mister, "Para maiwasan ang ganyan, tayong mga lalaki 'wag na tayo humanap ng iba. Makuntento na tayo sa isa kasi pangit, tsaka nakakahiya sa tao lalo na ganung bulgar."
Sa afternoon serie na "Ika-6 Na Utos," ginagampanan ni Sunshine Dizon ang papel ni Emma, ang babaeng inagawan ng mister ni Ryza Cenon, bilang si Georgia. -- FRJ, GMA News