ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
KAHIT NAKAUWI NA

Pagmamalupit na dinanas ng OFW sa amo niya sa Kuwait, tila bangungot na bumabalik


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kahit nakabalik na sa Pilipinas, mistulang masamang panaginip na bumabalik sa alaala ng isang Pinay OFW ang dinanas na kalupitan sa kamay ng kaniyang amo sa Kuwait.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nakauwi na sa kani-kanilang pamilya sa Iligan City ang dalawang OFW na nakaranas ng pang-aabuso sa kani-kanilang mga amo sa Gitnang Silangan.

Si Grace Saplot na nagtrabaho sa Kuwait, bumagsak ang katawan dahil hindi raw siya pinagpapahinga sa trabaho ng kaniyang amo at tira-tira lang ang pagkain na ibinibigay sa kaniya.

Nang sandaling nasa Kuwait, wala raw siyang ipinagdarasal kung hindi ang makauwi nang buhay kahit wala siyang madalang pera.

"Isa lang po talaga ang hiniling ko sa Diyos nung nasa loob ako, hiling ko lang po talaga makauwi ako nang safe sa pamilya ko ayos na po ako. Kahit wala akong pera, kahit wala lahat, basta at least lang po buhay ako," naluluha niyang pahayag.

Sinabi pa ni Saplot na sinusuntok, sinisipa at sinasabunutan siya ng kaniyang amo kapag nagagalit sa kaniya.

Nang tanungin kung may balak pa siyang bumalik, tugon niya, "Parang ayaw ko na po. Na-trauma na po ako. Minsan nga po nananaginip pa din ako kahit nandito na ako sa Pilipinas.  Napapanaginipan ko pa din yung amo ko na sinasaktan niya ako."

Samantala, ligtas din na nakabalik sa Pilipinas ang isa pang Pinay OFW na mula sa Saudi Arabia na minolestya raw ng kapatid ng kanyang amo.

Nakagawa ng paraan ang OFW para makausap ang kaniyang pamilya sa Pilipinas, na siyang nakipag-ugnayan sa OWWA para makauwi siya sa bansa. -- FRJ, GMA News