Baste Duterte, minahal nga ba si Ellen Adarna?
Hindi naiwasang maitanong kay Sebastian "Baste" Duterte ang naging relasyon nila ni Ellen Adarna nang makapanayam ng showbiz press nitong Biyernes para sa kaniyang travel show.
Sa artikulong isinulat ni Arniel Serato na lumabas sa PEP.ph nitong Sabado, sinabing umiwas si Baste na sagutin ang tanong kung hindi talaga naging maganda ang paghihiwalay nila ni Ellen.
“Siya na lang ang tanungin niyo,” tugon daw ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nang sundan ang tanong kung nagmahalan ba sila o minahal niya si Ellen nang panahong magkarelasyon sila, tugon daw ni Baste, "Matagal na yun...no comment, no comment na lang.”
Pero nilinaw naman niya ang tanong kung umabot ng isang taon ang kanilang naging relasyon.
“Hindi naman umabot ng one year. Hindi naman, mali info mo. Puwede bang past is past na?,” saad umano ni Baste.
Habang "no comment" naman sagot ni Baste sa tanong kung nag-overlap ang pakikipagrelasyon niya kay Ellen at sa ina ng kanyang anak na si Kate Necesario.
Nitong nakaraang Enero, mismong si Ellen ang nagsabi na nakipaghiwalay sa kaniya si Baste sa pamamagitan lang ng text .
“It was a very weird breakup. Instead of parang girlfriend na 'Good morning,' ganyan-ganyan, ang text niya, 'Ano kaya kung maghiwalay tayo?' Question mark. Siya ang nagsabi. And then, ayun, hindi na kami nag-usap," anang sexy actress.
READ: Ellen Adarna says Baste Duterte broke up with her via text
Naging lantad sa publiko ang relasyon nina Baste at Ellen dahil minsan din itong naging paksa ng talumpati ng kaniyang amang si Duterte.
READ: Duterte takes swipe at Baste: Hindi umuuwi ng bahay, sige lang doon kay Adarna
Gayunman, sinabi ng nakababatang Duterte na sanay na siya na nagiging laman ng talumpati ng ama dahil ginagawa rin daw ito ng nakatatandang Duterte noong alkalde pa lang ng Davao City. -- FRJ, GMA News