May mga sorpresa pang naghihintay sa pagwawakas ng 'Encantadia'
Labis ang pasasalamat ng cast members ng "Encantadia" sa walang sawang pagsubaybay ng mga tao sa GMA telefantasya. At sa nalalapit nitong pagwawakas ngayong linggo, marami pang kapanabik-panabik na eksena na aabangan ang mga manonood.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing maliban sa mga matitinding action scenes, may kilig at pag-iibigan pa rin na tutukan sa huling mga gabi ng "Encantadia."
"Abangan ang nalalapit na digmaan sa mga mababait at masasamang nilalang sa 'Encantadia.' Ito na ang time namin na maghiganti sa lahat ng kasamaan na ginagawa ni Hagorn." ayon kay Ruru Madrid.
Sinabi naman ni Rocco Nacino na masasagot na ang tanong ano ang mangyayari sa pag-iibigan ng karakter niyang si Aquil at kay Sang'gre Danaya na ginagampanan ni Sanya Lopez.
"Masasagot na ang mga tanong ng mga tao pagdating sa love life nina Pirena, Alena at Danaya; kung sino sa kanila ang magkakaroon ng forever," ani Rocco.
"'Di natin alam kung ano ang mangyayari sa 'Encantadia' basta abangan nila 'yan. Kasi I'm sure may bagong darating pa," pahiwatig naman ni Sanya.
Labis ang pasasalamat ng cast sa Encantadiks dahil sa walang patid na suporta. Kamakailan, nagpetisyon pa ang fans sa online upang hilingin na magkaroon ng panibagong season ng "Encantadia."
"Super saya kasi ganun nila minahal ang encantadia ganun din kami," ayon sa bathalumang Ether na si Janice Hung. -- FRJ, GMA News