ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
KUHA SA CCTV

Barangay treasurer, patay sa pamamaril sa Sampaloc, Manila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang barangay treasurer sa Sampaloc, Maynila, matapos siyang pagbabarilin ng naka-motorsiklong salarin. Ang naturang insidente, nakunan ng CCTV.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jose Macaranas, 67-anyos at treasurer ng Barangay 567, Zone 55.

Makikita sa CCTV na nakaupo si Macaranas sa gilid ng Luzon Avenue corner Ma. Luisa Street Sampaloc nitong Huwebes ng gabi, nang biglang sumulpot ang mga salaring sakay ng motorsiklo.

Dito siya pinagbabaril nang dalawang beses, sabay tumakas ang mga suspek.

Agad namang nagtakbuhan ang mga tao sa lugar nang bumulagta si Macaranas.

Nagawa pa siyang isugod sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Wala raw nakakaaway ang biktima na naka-tatlong termino na sa pagiging kagawad, ayon sa mga kasamahan niya sa barangay.

"Nakatapos ng term sa kagawad tapos naging treasurer nga pero so far kapag kasama namin sa matagal na panahon ay wala akong alam na nakaaway niyan," ayon kay Wilfredo Martinez, chairman ng Barangay 567, Zone 55.

Nananatiling palaisipan sa kanyang mga kaanak ang motibo sa pamamaril.

"Bagama't nalipat ako ng lugar, wala akong alam na kaaway ng daddy ko," pahayag ng anak ng biktima.

Nang tanungin ang motibo sa pagpatay, "Yun ang hindi ko alam. Yun nga ang nakakalungkot. Nakakalungkot talaga kasi maraming nadadamay," kanyang sabi.

Natagpuan ang dalawang basyo ng bala sa crime scene.

Hindi naman nakuha ang plaka ng motorsiklo na ginamit ng mga suspek.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kanilang motibo sa pagpatay. — Jamil Santos/MDM, GMA News