ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Apartment ng kapitana, nilooban ng babaeng 'salisi' sa Maynila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Animo'y residente lang at walang kahina-hinala ang ginawang panloloob ng isang babae sa apartment ng isang kapitana sa Sampaloc, Maynila kung saan natangay niya ang laptop at videocam ng mga nangungupahan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras," sinabing nangyari ang panloloob sa Lardizabal Street, Barangay 409 noong nakaraang Sabado, kung saan nakuha sa CCTV ang paglabas-masok ng babae sa apartment.

"From there lumabas siya dito para silipin niya ito. Pilit niyang ginaganon, tiningnan niya kung manipis yung kurtina, pero kahit nakabukas yung ilaw sa loob, hindi siya makikita," kwento ng asawa ng kapitana na si Joel Puertolano.

Ayon pa kay Puertolano, talagang hinalughog ng suspek ang bahay bago niya nakawin ang ilang mahahalagang gamit.

"Naka-ano talaga lahat ng damit, akala mo nasunugan. Talagang lahat inilabas, lahat ng drawer iniwang nakabukas."

Hinala pa ni Puertolano, posibleng isa raw ang babae sa mga tumingin na dati sa apartment.

"Kutob ko isa yan sa mga nagte-text sa akin everytime na mayroong mga nag-iinquire. Palagay ko isa yan sa mga tumingin ng bakanteng kwarto sa katabi."

Nabiktima daw sina kapitana ng mga salisi, ayon sa mga pulis.

"Ang modus nito, magpapanggap siyang uupa sa isang apartment at titingnan niya muna yung loob ng apartment pero bandang huli, hindi na rin siya uupa, titingnan niyang maigi, aalamin niya kung ano yung mga nasa loob, pasikot-sikot, babalikan niya ito pagka nakakuha siya ng tiyempo sa ibang araw para magnakaw," ayon kay PSI Pridencio Saballo, Sampaloc PNP.

Nagbabala naman ang mga awtoridad tungkol sa mga nagtatanong

"Dapat kilalanin natin maigi yung gustong umupa, hingan po natin ng mga identification at interviewhin muna natin, i-background check natin bago i-patingin doon sa loob," ayon pa kay Saballo. — Jamil Santos/BAP, GMA News