ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

7 umano’y tulak ng droga sa QC, nasakote sa buy-bust


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali nitong Miyerkules, ikinasa ng mga operatibo ng Quezon City Police District (QCPD) ang buy-bust operation matapos ituro ng police asset ang mga nagkalat na umano'y tulak ng droga sa isang kalye sa Barangay Pasong Tamo.

Nang dumating ang mga pulis, makikitang nagkalat ang mga suspek sa bungad ng compound.

Inipon sa maliit at madilim na kuwarto ang tatlong naunang inaresto. Nagtangka pa umanong tumakas ang isa sa kanila nang makitang lumapit ito sa nakasiwang na pintuan.

Dito rin hiningi ng nanay ang pera niya sa kanyang anak dahil duda raw siya sa pulis, ngunit isang plastic ng hininalang shabu at paraphernalia ang nahulog mula sa bulsa ng suspek.

Dinatnan ng mga pulis sa susunod na kwarto ang apat pang katao; kasama rito ang target ng pulis na umano'y tulak at ang kasabwat niya.

Haharap silang lahat sa reklamong kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa prisinto, ipinilit ng isang suspek na isa siyang menor de edad at nagpakita ito ng dokumento.

Nalaman na peke ang mga ito nang liwanagan ng flashlight ang mga papeles. Makikitang binago ang kanyang date of birth at nawawala rin ang opisyal na seal ng gobyerno.

Dahil dito, mahaharap din sa reklamong falsification of documents ang suspek. — Margaret Claire Layug/BM, GMA News