Motorista, binato ang side mirror ng retiradong pulis
Isang lalaki ang nanira ng side mirror ng sasakyan ng isang retiradong pulis sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Linggo.
Sa kuha ng CCTV na ipinakita sa ulat ni Cesar Apolinario nitong Lunes, makikita ang kotse ni Felixberto Iral Jr. na maingat na inililiko ang kanyang sasakyan upang maiwasan ang nakaparadang kotse ni Tito Castro Jr. sa isang compound sa Kapalaran Extension.
Itinigil ni Iral ang kanyang sasakyan, lumabas ng kotse at bigla na lamang binato ang side-mirror ng kotse ni Castro.
"'Yung side mirror sira eh, wasak eh. Eh bato ba naman ang hinampas eh," sabi ni Castro.
Ayon sa ulat, nainis diumano si Iral dahil nakaharang sa daan ang sasakyan ni Castro na isa palang retiradong pulis.
Nagharap ang dalawang panig sa Batasan Police Station, subalit naging maangas daw si Iral at nagsama pa ng bodyguard at isang babaeng miyembro umano ng Philippine Navy na kinilala bilang si Celia Zingapan Iral.
Hindi rin daw pumirma sa kasunduan ang suspek.
Dahil dito, desidido si Castro na sampahan ng kaso si Iral. Maaari siyang maharap sa kasong maliscious mischief.
"Eh itutuloy ko po ang reklamo kasi hindi dapat pamarisan 'yung ganon eh, sobrang tapang," sabi ni Castro.
Nakausap naman ng GMA News si Iral at sabi niya, nakikipagkasundo naman siya kay Castro at may binili na rin daw siyang pamalit sa nasirang side mirror. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News