ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Enerhiya mula sa basura
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA - Hindi na lang pera ang makukuha ngayon sa basura, pati na enerhiya. Itinayo sa lalawigan ng Rizal ang kauna-unahang landfill-gas-to-energy Clean Development Mechanism (CDM) project sa Pilipinas at itinuturing pang-apat na pinakamalaki sa mundo. Sa simula dalawang megawatts ng enerhiya ang kayang ibigay ng methane power plant na pinamamahalaan ng Montalban Methane Power Corporation sa Rodriguez, Rizal. Ngunit sa sandaling nakumpleto ang mga kailangan sa operasyon nito, kayang lumikha ng methane plant ng hanggang 15 megawatts ng enerhiya mula sa mga nabubulok na basura. Kaya nitong magpailaw sa mahigit 15,000 tahanan. Tinatayang 1,500 metriko tonelada ng basura na itatambak sa landfill bawat araw ang kailangan upang mapanatili ang operasyon ng planta. At kung maaabot nito ang 2,500 metriko tonelada ng basura, kaya nitong tumagal ang operasyon ng planta hanggang 10 taon. Kung dati ay inaayawan ng Montalban ang basura ng galing sa Metro Manila, ngayon ay nag-alok pa sila ng hanggang 40 porsyentong diskwento upang doon na lamang itapon ang mga basura. Ngunit kailangang hindi bababa sa 2,500 metriko tonelada ng basura ang itatapon sa 14-hektaryang landfill upang makuha ang 40 percent na discount. Ayon kay Engineer Jewel Palomique, manager ng planta, malaking tulong ang methane plant na pagkukunan ng alternatibong eherhiya bunga na rin ng tumataas na presyo ng langis at singil sa kuryente. Bukod dito, ang methane plant ay makatutulong upang maiwasan ang krisis sa paghahanap ng pagtatapunan ng basura ng mga residente sa Metro Manila. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular