Pabayang OFW sa Dubai pwedeng pauwiin ng korte sa Pinas
Maaaring ipatawag ng korte sa Pilipinas ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa Dubai kung magkukulang sila sa kanilang pananagutan sa maiiwang pamilya sa Pilipinas. Ito ang nilinaw ng isang opisyal ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workersâ Welfare Administration (POLO-OWWA), matapos magreklamo ang isang ginang mula sa Pampanga laban sa kanyang asawa na nasa Dubai, ayon sa ulat ng Khaleej Times. Sinabi ni Eduardo Mendoza Jr., Welfare Officer ng POLO-OWWA sa Dubai, may karapatan ang mga asawa ng mga OFWs na nasa ibang bansa na kumuha ng court order upang pabalikin sa Pilipinas ang kanilang asawa at pagpaliwanagin kung bakit hindi sila nagpapadala ng pera sa naiwang pamilya. Ayon kay Mendoza, ang mga court order na ipadadala sa mga POLO-OWWA o konsulado ay kaagad naman nilang isusumite sa mga kinauukulang OFWs. Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos makatanggap ng reklamo sa isang maybahay mula sa Pampanga tungkol sa kabiguan ng kanyang asawa na magpadala ng pera sa nakalipas na tatlong buhaw. Ayon sa ginang, mayroon silang tatlong anak at hirap siyang pag-aralin ang mga ito kung wala ang suportang padala ng asawa sa abroad. Hindi na pinangalanan ni Mendoza ang mga taong kasangkot sa isyung ito. Dagdag pa ng ginang, sinikap niyang tawagan sa mobile phone ang kanyang asawa ngunit hindi niya ito sinasagot. Hinala ng ginang, may ibang karelasyon ang kanyang asawa sa Dubai kaya hindi na ito nakapagpapadala ng pera sa kanila. Subalit sa ginawang panayam ng Khaleej Times sa OFW na inireklamo ng ginang, ipinaliwanag niya na gipit lamang siya kaya hindi makapagpadala ng pera sa Pilipinas simula noong Disyembre. Ang malaking utang niya sa credit card ang itinuturong dahilan ng kanyang kakulangan sa pamilya. Idinagdag niya na noong nakaraang buwan ay nagpadala na siya ng pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Inamin naman ni Mendoza na wala silang magagawa sa kanilang mga usapin kundi ang paalalahanan ang OFWs sa kanilang mga obligasyon sa kanilang pamilya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV