OFW ibinubugaw sa UAE
Patuloy pa rin nagaganap sa United Arab Emirates (UAE) ang pambubugaw umano ng ilang âsponsor" sa mga Pinay overseas Filipino workers (OFW) na pasukin ang pagpo-prostitute. Naitala ng konsolada ng Pilipinas na unang kaso ngayon taon ng pambubugaw ang 25-anyos na kinilala lamang sa inisyal na J.G., ayon sa ulat ng Gulf News. Sa ulat, nilayasan ni J.G. ang kanyang âsponsor" matapos siyang pilitin na makipagtalik sa mga kliyente kapalit ng malaking halaga. Nagtungo si J.G. sa Philippine Consulate General sa Al Ghusais upang humingi ng tulong para mabawi ang kanyang pasaporte sa kanyang sponsor. Dumating sa United Arab of Emirates (UAE) si J.G. nito lamang taon (2007) gamit ang visit visa sa pag-aakalang makakakuha rito ng trabaho bilang caregiver sa isang matandang American national. Idinagdag pa ni J.G. na panatag ang loob niya na tanggapin ang trabaho bilang caregiver dahil sa impormasyon na ibinigay sa kanya na Pinay ang asawa ng umanong matandang American national. Ngunit nang dumating sa UAE ay nagulat siya nang alukin siya ng âkliyente" ng kanyang sponsor. Sa kanyang pahayag sa mga awtoridad gamit ang interpreter, sinabi n J.G. na tinaggihan niya ang alok dahil wala sa kanyang plano ang maging prostitute sa UAE. Idinagdag ni J.G. na tumagal siya ng may isang buwan sa bahay ng kanyang sponsor sa Sharjah dahil kahit papaano ay pinapakitaan siya ng maganda ng mga ito. Sa kamakailan ay nagdesisyon na siyang umalis nang muling maulit ang pagdadala ng lalake sa kanyang tinutuluyan para makipagtalik sa kanya. Dito na umano siya nagpasyang layasan ang mga sponsor bago pa man maging huli ang lahat. Iniinganyo umano siya ng kanyang mga sponsor na pumayag na sa kanilang inaalok dahil malaki ang kanyang puwedeng kitain sa pagpo-prostitute. Sinabi ni J.G. na nais ng kanyang sponsor na mabawi ang ginastos sa kanya sa pagpunta sa UAE na umaabot sa P55,000. Tiniyak naman ni Philippine Consul General Antonio Curameng, na kakanlungin nila si J.G. hanggang sa mabawi ang kanyang pasaporte. Inihayag ng Gulf News na mayroon mga kaso ng Pinay ang sinasabing puwersahang itinutulak sa prostitusyon sa UAE.- Fidel Jimenez,GMANews.TV