Mga sundalo ikakalat sa 5 bayan sa Metro Manila
Ikakalat simula Linggo sa limang lungsod sa Kalakhang Maynila na itinuturing na âareas of immediate concern" ang mga miyembro ng Armed Forces upang magbantay sa pagdaraos ng eleksyon sa naturang mga lugar sa Mayo 14. Sinabi ni Major General Ben Mohammad Dolorfino, komandante ng AFP National Capital Region Command, nitong Sabado na batay sa ipinalabas na Resolution 7892 ng Commission on Elections, kailangan ang mga sundalo sa Pasig, Pasay, Caloocan, Marikina at Taguig. Itinanggi naman ni Dolorfino na maiimpluwensiyahan ng pagpapakalat ng mga sundalo ang botohan. "I don't think we can influence (the elections)....I don't think that we can be a party (in the polls)," pahayag niya. Aniya, hindi nila palalapitin ang mga sundalo sa mga presinto upang maiwasan ang hinalang tinatangka nilang impluwensiyahan ang halalan. Kahit may dalang mahahabang baril, pasusuotin ng damit pang-opisina ang mga sundalo sa halip na camouflage upang hindi matakot ang mga residente. Nakipagpulong nitong Sabado si Dolorfino kay Michael Dioneda, direktor ng Comelec-National Capital Region, para sa mga isinasagawang paghahanda sa eleksyon. âYung mga preparations naka-laid out na. Yung PNP (Philippine National Police) natin kahapon meron silang show of force saka 'yong deployment ng mga tao ay ready na," pahayag ni Dioneda. Abala rin ang Comelec-NCR sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga election officer lalo na yuong mga nagnanais ilipat ang kanilang hahawakang presinto dahil ginagawa ang paaralan. Mayroon ring mga election officer na humihiling na ilipat sa mas malaking lugar ang canvassing upang mas marami ang makasaksi. - GMANews.TV