Mga kandidato ng TU pahinga na sa wakas
Matapos ang 90 araw nang marubdob na pangangampanya, ilang kandidato mula sa Team Unity ang nagsabing gagawin na nila ang matagal na nilang inaasam na paliligo nang hindi nagmamadali at pagtulog nang mahaba, habang maglalaro naman ang iba. Ngunit bago nito, sinabi ng mga kandidato na kailangan muna nilang asikasuhin ang isa pang mahalagang bagay, at iyon ay ang pagpunta sa kani-kanilang polling precinct upang bumoto sa Lunes. Kabilang sa kampanya ng Team Unity ang paglalakbay sa halos lahat ng bahagi ng bansa, mula sa mga probinsya sa hilaga tulad ng Tuguegarao hanggang sa katimugang probinsya ng Zamboanga City, at namamalagi lamang sila sa isang lugar ng isang gabi at magbibyahe kaagad kinabukasan patungo sa susunod na sortie. Sa isang pakikipag-usap kasama ang mga mamahayag, sinabi nila Sen. Joker Arroyo at dating Presidential Chief of Staff Michael Defensor na sila ay maliligo nang maigi at matutulog ng mahaba pagkatapos nilang bumoto sa mga lungsod ng Makati at Quezon, kung saan sila mga rehistradong botante. "I'd take a good sleep, after I cast my vote (Matutulog ako ng mahimbing, pagkatapos kong bumoto)," sabi ni Arroyo sa mga mamamahayag matapos siyang magsalita sa "Miting de Avance" ng mga kandidato ng Team Unity sa Fuente De Osmeña sa Cebu City. "What I would do is to take my time having a bath, and then get a good sleep (Ang gagawin ko ay maliligo ako at matutulog ng mahimbing)," sabi ni Defensor. Ayon naman sa dating Sen. Tessie Aquino Oreta, mananatili lamang siya sa loob ng tahanan niya sa Malabon, kung saan niya susubaybayan ang mga ulat tungkol sa eleksyon---gaya ng nakasanayan na niya noon pang mga nakaraang halalan. "My family would not allow me to go out after elections. I would stay at home to monitor the news. Sometimes I would also call my barangay leaders and, occassionally, we play 'tong-its' (a card game) (Hindi ako papayagan ng pamilya ko na lumabas pagkatapos ng eleksiyon. Mananatili ako sa bahay at susubaybayan ang mga balita. Minsan tatawagan ko ang mga barangay leaders at minsan pa, naglalaro kami ng 'tong-its')," sabi ni Oreta. Mas hilig naman ni dating Sen. Vicente Sotto III ang maglaro ng golf. "I will play golf with my brothers and some of my closest friends to relax after voting (Nakikipaglaro ako ng golf sa mga kapatid ko at ilan sa mga malalapit kong kaibigan upang makapahinga matapos ang eleksyon)," sinabi ni Sotto sa mga mamamahayag. Sinabi niya na sa White Plains sa Quezon City siya boboto. Kabilang sa mga kasama ni Sotto na mag-golf ang mga kapatid niya, ang komedyanteng si Vic Sotto, konsehal ng Parañaque na si Val Sotto, at Maru Sotto. Para naman sa muling tumatakbo sa pagkasenador na si Sen. Ralph Recto, babalik siya sa kanilang tahanan upang tulungan ang kanyang maybahay---ang tanyag na artista at kasalukuyang mayor ng Lipa City na si Vilma Santos, na tumatakbo rin bilang gobernador ng Batangas katunggali ang kasalukuyang Gov. Armand Sanchez. Sina Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri, Sen. Edgardo Angara, artistang si Cesar Montano, Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson at Zambales Gov. Vicente Magsaysay ay babalik naman sa kani-kanilang mga probinsya upang bumoto at subaybayan ang eleksiyon. Hindi naman kabilang si Sultan Jamamul Kiram sa mga babalik sa probinsya. Sa halip na bumalik sa Mindanao, siya ay boboto sa Taguig City. - Mark D. Memuenas, GMANews.TV