ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bantayan Island ipinailalim sa curfew


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos isailalim sa kontrol ang Bantayan Island sa Cebu, ipinatupad naman ng Commission on Elections (Comelec) ang lugar sa curfew simula noong Sabado ng gabi bilang paghihigpit sa seguridad dito matapos ang pagpaslang sa mayoral bet na si Rogelio Ilustrisimo Sr. Ayon sa SunStar Cebu, ang curfew na nagsimula ng 10 p.m. nitong Sabado at matatapos ng 5 a.m. sa Lunes ay isang paraan upang maiwasan ang karahasan sa darating na eleksyon. Sinabi ni provincial election supervisor Lionel Marco Castillano na binabawi na nila ang gun ban exemptions na dati na nilang ipinagkaloob sa mga residente ng isla. Idinagdag pa niya na magsasagawa ng mga checkpoint at magpapatupad ng curfew ang mga miyembro ng Regional Mobile Group at Special Reaction Unit. Kabilang sa mga lugar na hawak ng Comelec kung saan epektibo ang curfew ang mga bayan ng Sta. Fe, Madridejos at Bantayan, na nasa ikaapat na distrito ng Cebu. Isinailalim ng Comelec ang Bantayan Island sa kontrol nito dahil sa sunud-sunod na insidente ng karahasan, ang pinakahuli nga ang pagpatay kay Ilustrisimo noong May 2. Hindi apektado ng curfew ang mga kandidato, mga abogado nila at watchers sa mga munisipyo. Minaliit ni Castillano ang mga ispekulasyon na makaaapekto ang curfew sa turismo ng isla dahil dalawang araw lamang naman daw ito. Idinagdag pa niya na ang 10 p.m. ay "reasonable" para simulan ang limitasyon ng galaw ng mga tao sa labas ng kanilang tahanan. Sa ilalim ng Comelec control scheme, isang task force ang mangangalaga at mamalakad ng aktibidades at transaksyon ng lokal na gobyerno ng Bantayan, kabilang na ang pagtatalaga ng pondong bayan. Dumating sa isla noong Sabado ang mga miyembro ng 78th Infantry Batallion upang tumulong sa puwersa ng Task Force Hope (Honest, Orderly and Peaceful Elections). Sila ay namamalagi sa isang gym sa bayan ng Madridejos. Babantayan naman ng mga miyembro ng Philippine Navy ang katubigan sa palibot ng Bantayan Island. Nakipag-usap na si Castillano sa mga kandidato ng Madridejos, Sta. Fe at Bantayan upang ipaliwanag sa kanila ang mga impormasyon ukol sa paglalagay ng tatlong bayan sa ilalim ng pamamalakad ng Comelec. Ipinakilala rin niya sila Comelec ground commander Eliseo Labaria at Senior Superintendent Jesus Gacquing, na silang mamumuno sa puwersa ng pulis sa lugar. - Mark D. Meruenas, GMANews.TV