ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Oposisyon naghahanap ng 'manok' para House speaker


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi basta tutunganga sa isang tabi ang oposisyon habang naggigirian ang mga kaalyado ng administrasyon sa agawan sa pwesto ng speaker sa Mababang Kapulungan. Ayon kay party-list Rep. Joel Villanueva ng Citizens' Battle Against Corruption (Cibac), deputy minority leader sa papatapos na termino ng 13th Congress, maghahanap ang oposisyon ng pinakamalakas na pambato kay Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr. para sa speakership ng 14th Congress kahit pa raw manggaling ito sa hanay din ng administrasyon. “Hindi kami (oposisyon) papayag na uupo na lang sa isang tabi habang pinapanood sila (administrasyon) na nag-aagawan sa pinakamataas na posisyon (sa Kamara)," aniya. Sa ngayon, hindi pa tiyak ni Villanueva kung ilan ang kandidato ng Genuine Opposition (GO) na makakaupo sa Kamara. Una rito, inihayag ni de Venecia na muli niyang aasintahin ang speakership sa papasok na ika-14 na Kongreso. Aniya, madali niyang makukuha ang puwesto dahil sa mahigit 90 kongresista na ang naiproklama sa katatapos na halalan mula sa partidong Lakas-Christian Muslim Demoicrats. Ngunit hirit ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, presidente ng Kabalikat ng Mamamayang Pilipino (Kampi), isasabong nila kay de Venecia si Cebu Rep. Pablo Garcia. Bukod sa may 40 kongresista ng Kampi, suportado umano sila ng 75 ibang kongresista mula sa ibat-ibang partido sa Kamara. Hamon naman ni de Venecia, ilabas ni Villafuerte ang listahan ng mga mambabatas na sasama sa kanila para iluklok ang kandidato nila bilang speaker. Paniwala ni Villanueva, posibleng taktika lamang ng administrasyon na mag-agawan sa speakership ang mga kapwa nito kaalyado upang makopo nila ang majority at minority sa Kamara, at isa-isantabi na lamang ang tunay na oposisyon. Paliwanag niya, kung sino ang matatalo sa speakership ay awtomatikong magiging lider naman ng minorya. “Kaya kung hindi kami lalaban na tunay na oposisyon, ang mangyayari, kung sino ang matatalo kina de Venecia at kampo ni Villanuerte, siyang magiging minority leader. Ang resulta, kontrolado na ng administrasyon ang majority, pati ang minority makukuha pa nila." - Fidel Jimenez, GMANews.TV