Ika-24 na taon ng kamatayan ni Ninoy ginunita
Ginunita ang ika-24 na taon ng kamatayan ni opposition leader Benigno "Ninoy" Aquino Jr. sa limang lugar sa Metro Manila nitong Martes. Pinamunuan ng nag-iisang anak na lalaki at namesake ni Ninoy, si Senador Benigno âNoynoy" Aquino III, ang pagdiriwang sa harap ng rebulto ng yumaong dating senador sa Maynila. Ayon sa ulat ng GMANews Unang Balita, naghanda ng mga programa ang EDSA People Power Commission sa Maynila, sa monumento ni Ninoy sa Makati, sa Edsa People Power Monument sa pagitan ng Ortigas at Santolan, sa tarmac ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan siya pinatay pagdating mula sa Amerika via Taipei, at sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque. Nagbigay-pugay ang ceremonial unit ng Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng 21-gun salute sa seremonya sa Maynila bilang respeto sa dating senador. Ilang puting kalapati ang pinakawalan sa harap ng Manila Hotel habang nakasuot naman ng dilaw ang ilang estudyante, magulang at empleyado ng gobyerno na dumalo sa pagtitipon. Dilaw ang naging âsignature color" ni Ninoy, Sa kanyang pagdating noong Agosto 1983 ay naging tanyag na awiting ang "Tie A Yellow Ribbon" at dilaw din ang naging paboritong kulay ng damit ng kanyang maybahay na si dating Pangulong Corazon Aquino. Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sa Maynila ay ang kapatid ni Ninoy na si Makati Rep. Agapito âButz" Aquino, Executive Secretary Eduardo Ermita, at Manila Mayor Alfredo Lim. Si Ermita ang kumatawan kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Bagamat wala sa Maynila, inaasahan namang mag-aalay ng bulaklak ang balo ni Ninoy na si dating Pangulong Corazon Aquino sa puntod ng bayani sa Manila Memorial Park sa Parañaque kung saan taun-taon ay nagdaraos ng misa ang pamilya at malalapit na kaibigan. Deklaradong holiday ang Aug. 21 bilang paggunita sa kamatayan ng bayaning si Ninoy subalit ginawa ni Presidente Arroyo na nitong Lunes na lang ang walang pasok alinsunod sa patakaran ng kanyang pamahalaan na "holiday economics." Sa nasabing patakaran, inililipat sa pinakamalapit na weekend ang suspensyon ng pasok para sa holiday na tumatama sa araw ng Martes hanggang Biyernes. Tinatawag ito ni Arroyo na âholiday economics," at layunin nitong palakasin ang turismo sa bansa sa pagkuha ng oportunidad na pahabain ang araw ng pamamasyal ng mga tao at iwasan ang pagkaantala ng negosyo. Bagama't ginawang Lunes ang araw na walang pasok sa eskwela at opisina, nitong Martes pa rin isinagawa ang mga paggunita sa pagpanaw ni Ninoy. Sa isang panayam kaugnay ng selebrasyon, hinamon ni Lim ang mga empleyado ng pamahalaan na pamarisan ang sakripisyong ginawa ni Ninoy para sa bansa, ayon sa ulat ng dzBB radio. Pinatay si Ninoy noong August 21, 1983 sa tarmac ng dating Manila International Airport (ngayon ay NAIA). Kilalang kritiko at kalaban sa politika si Ninoy ng dating diktador at Pangulong Ferdinand Marcos Sr. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV