‘Himala’ sa Baclaran: Walang trapik, vendor at siksikan sa daan

Kuha sa gilid ng Baclaran Church matapos ang clearing operation noong nakaraang linggo. --GMA News
Mistulang may himalang nangyari sa paligid ng Baclaran Church ngayong Miyerkules na tinatawg na "Baclaran Day" —malinis ang kapaligiran, walang trapik at siksikan, at walang mga vendor na nakaharang sa mga daanan.
Taliwas sa nasanayang sisiksikan at trapik sa tuwing Miyerkules, malinis ang service road malapit sa simbahan.
Ayon sa ulat ng GMA News, malayong-malayo ang sitwasyon ngayon kung ikukumpara sa dating mga araw kung saan hindi na halos makagalaw ang mga dumadaaan sa dami ng mga sasakyan, tao at mga vendor --maluwag ang four-lane na kalsada sa gilid ng simbahan at two-way ang daloy ng traffic.
Kaya, maliban sa mga pampubliko at pribadong sasakyan, malaya ring nakakapag-bike ang Ilan nating kababayan, bagay na dati umano'y hindi nila nae-enjoy.
Pero kung ginhawa ito para sa ilan, tila kalbaryo naman umano ito sa mga vendor na napaalis at nagtiyaga na lamang sa mga gilid-gilid ng kalsada.
Nagsisiksikan man sila sa tabi, tinitiis na lamang umano nila dahil wala naman silang magagawa.
Reklamo ng mga vendor, apektado umano ang kanilang kita dahil tumumal ang bentahan.
Bukod daw sa nasa gilid na lamang sila, nawalan daw sila ng mga parokyano na karamihan ay mga sumasakay sa dating terminal sa lugar.
Ayon sa ulat, may mga tinekitan na dahil sa jay-walking, ilang pedicab ang hinatak at ikinarga sa MMDA trucks, at ang mga paninda ng ilang vendors ay hinila din ng mga awtoridad. —LBG, GMA News