Filtered By: Topstories
News

The 'raining' restaurant


Isang restaurant sa Macapagal Boulevard sa Pasay City ang dinadayo ngayon ng mga parokyano dahil sa kakaiba nitong konsepto kung saan umuulan sa loob ng establisimyento kahit tirik ang araw sa labas. Ang “Revulet" restaurant ay halos dalawang buwan pa lamang nagbubukas pero hinahanap na ng mga parokyano na gustong makita ang gimik bilang kauna-unahang “raining restaurant" sa bansa. Mechanical contractor at naglalagay ng mga “sprinkle system" sa mga gusali ang may-ari ng Revulet restaurant kaya “tubig" na rin ang naisip niyang gimik sa bagong negosyo na kainan. Ang waiters doon ay sinanay muna ng ilang buwan sa paghawak ng payong upang hindi mabasa ang kanilang mga kostumer pati na ang inihahaing pagkain. May mga kostumer din na sadyang binabasa ang sarili dahil sa labis na pagkaaliw sa artipisyal na ulan na ginagamitan ng pump. Maliban sa walang tigil na pag-ulan sa loob ng restaurant, atraksyon din sa Revulet ang malaking aquarium kung saan makikita ang magagandang isda, kasama na ang pating. Ipinagmamalaki ng Revulet ang mga putahe tulad ng Hot Spareribs, Revulet chicken, Steamed Lapu-Lapu at Kilawing Baboy. Sa mga nais maranasan ang “mag-singing in the rain," may malaking screen monitor din ang Revulet para sa mga mahilig sa videoke. - Fidel Jimenez, GMANews.TV