Mga eksena sa Traslacion ng Itim na Nazareno
Mahigit isang milyong deboto ang dumagsa sa Maynila upang sumama sa Traslacion ng Poong Itim na Nazareno.
Sa kabila ng banta ng terorismo, matinding init at pagsisiksikan ay matiyagang nag-abang ang mga deboto sa ruta ng Traslacion upang makihila ng mga lubid ng andas ng Nazareno, mahawakan at kahit makita man lamang ang imahe na pinaniniwalaang mapaghimala.
Narito ang iba't ibang ulat na ipinadala ng ating mga YouScooper habang nagaganap ang Traslacion nitong Lunes, Enero 9, 2017.
Sa kuhang ito nina YouScoopers Carlos Maceda at Mickie Eugenio, pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isang Misa bago magsimula ang Traslacion.


Sa video namang ito na kuha ni YouScooper Eman Martin, iwinagayway ng mga deboto mga hawak nilang tuwalya habang sumisigaw ng “VIVA” at hinihintay ang pag-usad ng andas ng Itim na Nazareno.
Ilang libong deboto ang nag-aabang sa pagdaan ng Itim na Nazareno sa may Manila Hotel. Kuha ni YouScooper YouScooper Anthony Sumagui.

Isang dalaga ang nawalan ng malay at pinagtulungang buhatin ng mga deboto malapit sa Manila Hotel sa kalagitnaan ng Traslacion. Agad na inilapit ang babae sa mga medical volunteer sa lugar. Kuha ni Owen Lombos

Masayang sinalubong at sabay sabay na sumisigaw ng “Viva” ang libu-libong deboto na hindi pansin ang init at siksikan makalapit lamang sa Poong Nazareno. Kuha ito ni YouScooper Ahrjhay Bautista sa may P. Burgos Avenue kanto ng Finance Road.
Ilang ambulansya at first aid responders ang nakapuwesto sa may Jones Bridge papuntang Binondo, Manila para tumulong sa mga deboto na kailangang agarang malapatan ng lunas. Kuha ni YouScooper Michiko Palaran.

Minabuti naman ni YouScooper Ria Ison na manatili na lamang sa kanilang bahay at doon na lamang magdasal bila ng pakikiisa sa Traslacion.

Iba’t ibang replika naman ng Itim na Nazareno ang itinutulak ng mga deboto sa Claro M. Recto Avenue patungong Quiapo. Kuha ni YouScooper Cody Organo.

Habang umuusad ng mabagal ang prusisyon, patuloy naman ang misa sa Quiapo Church na dinaluhan ng mga deboto na naghihintay sa pagbalik ng Nazareno. Kuha ni YouScooper Gheng Pavino.

Sa labas naman ng simbahan ng Quiapo, nagkalat ang samu't saring souvenir na may kinalaman sa Pista ng Poong Nazareno katulad ng pambatang sando na ito na kinunan ni YouScooper Cody Organo.

—ALG, GMA News