Ama ng 13-anyos na biktima sa suspek na pulis: May anak ka rin, dapat di mo ginanun
Magkahalong galit at pighati ang nararamdaman ngayon ng ama ng 13-anyos na lalaki na nabaril umano ng isang pulis sa Tondo, Maynila nitong nakaraang Biyernes.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa 24 Oras nitong Lunes, kinompronta ng amang si Allan Pineda ang suspek na si Police Officer 2 Omar Malinao.
"Baligtad tayo pare... ng kalagayan pare... kung sakaling ako nakabaril sa anak mo, ganoon din ang mararamdaman mo ngayon sa nararamdaman namin pare. Ang taas ng pangarap ng anak ko pare, katulad mo rin ang pangarap ng anak ko!" sabi ni Pineda.
"May anak ka rin pare. Dapat hindi mo ginanon. Dapat hinuli mo na lang, hinuli mo na lang sana 'yung anak ko pare," dagdag pa ng ama.
Dakong alas-otso ng gabi nitong Biyernes, naglalaro raw ang biktimang si Aldrine Pineda kasama ang kanyang dalawang kaibigan sa loob ng Vitas Slaughterhouse nang barilin umano ni Malinao.
Naisugod pa ang biktima sa ospital subalit binawian din ito ng buhay.
Kusa namang sumuko sa mga awtoridad si Malinao.
Sa salaysay ni Malinao, sinabi niyang nagbabantay siya noon sa nasabing lugar nang may nakapasok umano na mga lalaking nagnanakaw ng retasong bakal.
Sinaway niya raw ang mga ito ngunit hindi siya pinansin. Giit ni Malinao, inasar siya ng mga lalaki, pinagbabato at pinaputukan pa siya ng baril.
Nagtago raw siya at doon aksidenteng pumutok ang kanyang baril.
Hindi naman naniniwala ang ina ng biktima sa pahayag ng suspek.
"Isang putok lang po ang nadinig ko talaga. Isang putok lang, wala akong ibang narinig na putok. Isang putok lang atsaka wala pong nangyaring gulo," saad ni Michelle Pineda.
Patuloy ang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Nakapulot ang mga magulang ng biktima ng isang deformed slug sa pinangyarihan ng pamamaril. Isasailalim ito sa ballistic examination upang matukoy kung sino at kanino ang baril na ginamit sa pagbaril sa biktima.
"Nagresponde sila kaya lang may nambato sa kanila tapos nakarinig sila ng putok at 'yun medyo siguro sa pagiwas niya, nadulas, pumutok 'yung baril niya. Pero wala pa tayong witness na makukuha magsasabi o tinuturo na si PO2 Malinao ang nakatama," sabi ni Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District, Homicide division.
Nakakulong ngayon si Malinao sa MPD Homicide division. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News