Carolers sa Tondo, mas malaki ang natatanggap na aguinaldo dahil sa song-and-dance routine
Mas malaki ngayon ang nakukuha ng ilang batang namamasko sa Tondo, Maynila dahil ang tradisyunal na caroling, dinagdagan na nila ng mga nauusong dance moves tulad ng "Baam" na siya namang ikinatuwa ng mga kapitbahay.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikitang todo ensayo pa ang mga kabataan para sa caroling, na noo'y sa kanta lang nila dinadaan.
"'Pag kumakanta po kami ng caroling konti lang po 'yung binibigay sa amin. 'Pag sumasayaw po kami medyo nadadagdagan po," sabi ni Alyssa Zophia Fortuno, leader ng grupo.
Sinabi ni Maria Vina na siyam na taong gulang pa lamang siya nang magsimulang mangangaroling. Pero mas malaki na ang kanilang kita dahil sa kanilang dance repertoire.
May isang gabi pa na mahigit P700 ang kanilang kinita.
Sila pa mismo ang nagre-remix sa computer ng mga medley ng mga usong kanta na kanilang sasayawin.
Napupunta naman sa mabuti ang kanilang nakokolekta, dahil ginagamit nila ito bilang pambaon pagbalik sa eskuwela sa bagong taon.
May kasama rin silang nakatatanda kapag lumakad na sila sa pangangaroling para may gabay.
"[Pito] po kami.[ Hindi po lahat kasama ang magulang], mama ko lang po," sabi ni Alyssa Zophia Fortuno, leader ng grupo.
Ang grupo ay kinabibilangan ng mga edad siyam hanggang 11 taong gulang lamang, kaya hindi na sila lumalayo para mamasko.
Bukod dito, may curfew din sa Maynila para sa mga edad labing pito pababa.
Nagmo-monitor din ang barangay sa mga kabataang nag-iikot para mamasko para sa kanilang kaligtasan.
''Pag nagsalita na yung baranggay official sa trompa namin pang buong barangay, alam na nila 'yung gagawin nila, uuwi na ng bahay," sabi ni Darwin Liwanag, kagawad, Brgy. 155 Zone 14, Tondo, Maynila. —Jamil Santos/NB, GMA News