ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga posibleng kapatid ni Sen. Poe, handang magpa-DNA  


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nagbalik si Senator Grace Poe sa Jaro Cathedral sa Iloilo City, kung saan siya natagpuan nang sanggol pa siya 47 taon na ang nakalilipas.  
 
"Tuwing pupunta ako sa isang probinsya, hangga't maari bumibisita ako sa isang simbahan. Iyan ang bilin sa akin ng aking Nanay. Lalo na itong simbahan na ito," sabi ni Poe, na ang tinutukoy ay ang isa sa umampon sa kanya, ang aktres na si Susan Roces.

Ayon kay Poe, ilang taon na niyang sinisikap malaman kung sino ang kanyang mga magulang. Naisipan niyang asikasuhin itong muli dahil sa paglabas ng isyu nitong linggong ito.

"For me, it's an emotional visit," sabi ni Poe. Nakasama niya ang ilang tao na bahagi ng kanyang nakaraan sa pagbisitang ito.
 
Kabilang sa mga nakausap ni Poe nitong Biyernes ay mga taong posibleng makapagbigay ng dagdag na impormasyon kung sino ang totoong mga magulang niya.

Nakasama niya sa almusal si Iloilo City Mayor Jed Mabilog, isang kamag-anak, at ang 81 taong gulang na si Sofia Mijares, dating kasambahay nina Roces at ng mister nitong si Fernando Poe, Jr. 

Ayon sa dalawa, posibleng ang biological father ni Poe ay si Edgardo Militar, bayaw ni Sayong Militar. Sa ilang kuwento, si Edgardo Militar daw ang nakakita sa sanggol na si Poe sa lalagyan ng holy water ng katedral.  

Si Edgardo ang nakapirma sa foundling certificate ni Poe. Handa raw ang mga anak ng yumao nang si Edgardo na tumulong sa paghahanap sa ama ng senador. 

"There's an offer from the children of Edgardo na pwede silang magpa-DNA [test]. I'm thinking about it," sabi ng senador. 
 
May iba raw kasing bersion ng kuwento. Ayon daw kay Sayong, siya ang nakakita sa sanggol na Poe. Si Edgardo lang daw ang pumirma sa foundling certificate dahil siya ang naglakad ng papeles. 

Humingi ng paumanhin si Poe sa atension na nakukuha ng personal niyang buhay. Nagmimistula raw telenovela ang "pambansang paghahanap" sa kanyang mga magulang gayong maraming malalaking problema ang bansa.  

"Siyempre alam ko gusto ninyo rin malaman iyong aking pagkatao at bilang ihinalal ninyo, kasama iyon. Pero talagang dapat naka-focus doon sa problema ng ating mga kababayan," ani Poe.

Umaasa raw siyang kapag natagpuan ang tunay na mga magulang, matatapos na ang diskusyon kung siya ay natural-born Filipino at kung maari siyang tumakbong bise-presidente o pangulo. 
Sa 1987 Constitution, kailangang ang isang magulang ay natural-born citizen para maituring na Pilipino.
 
"Itong paglalaban na ito hindi lang para matukoy ko ang mga magulang ko. Ang paglalaban na ito ay para sa lahat ng foundling," sabi ni Poe.

Inamin ni Poe na ang pag-ikot niya sa mga probinsiya ay bahagi ng pagdedesisyon niya kung tatakbo siya sa mas mataas na posisyon sa 2016. - JJ, GMA News
Tags: sengracepoe